Ipagtanggol ang Kalayaan ng Panulat
Kami sa Kilometer 64, isang samahan ng mga progresibong makata, ay mariing kumukundena sa pagdakip sa kapwa namin makatang si Axel Pinpin – naging fellow sa UP Writers' Workshop at may-akda ng koleksiyong Tugmaang Walang Tugma – sa Tanauan, Batangas, malapit sa hangganan bago sumapit sa Tagaytay, noong Abril 29.
Isa ring mananaliksik sa Kalipunan ng Samahan ng mga Magsasaka sa Kabite (Kamagsasaka-Ka), kasama niyang nadakip si Riel Custodio, kasamahan din niya sa naturang organisasyon, at sina Aristides Sarmiento, Rico Ibañez, at isang nakikilala lamang sa ngayon sa pangalang Michael. Sila noo'y patungo sa Maynila upang sumama sana sa demonstrasyon sa Araw ng Paggawa.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), na nagkumpirma na sa pag-aresto sa kanila taliwas sa isang naunang pabatid, silang lima ay mga rebeldeng komunista at kasangkot sa isang planong destabilisasyon laban sa rehimeng Arroyo.
Bagama't hindi kasapi ng aming samahan si Pinpin at nakasama namin siya sa iisa lamang sa aming mga proyekto, kilala namin siya hindi lamang dahil sa kanyang kahusayan bilang makata kundi dahil din sa kanyang mahigpit na panghahawak sa simulain ng paglikha at pagpapamahagi ng panulaang nagsusulong ng tunay na kasarinlan at demokrasya sa ating bansa. Ganito rin ang simulaing nagbubuklod sa amin bilang mga kasapi ng Kilometer 64.
Ang kanyang pagiging isang makata ng protesta at ang kanyang paglilingkod bilang mananaliksik sa isang samahan ng mga militanteng magsasaka ay hindi magkahiwalay, manapa'y kapwa bahagi ng iisang panghahawak sa paninindigan.
Ang ganitong pagsasabuhay ng prinsipyo ng paglilingkod sa bansa at sa kapwa ang dahilan kung kaya si Pinpin, sampu ng kanyang mga kasamahan, ay binabansagan ngayong mga "rebeldeng komunista" at "destabilisador." Hindi tuloy namin maiwasang sumagi sa isip ang ganito ring dinanas noong araw ng mga kapwa namin makatang sina Amado V. Hernandez at Bienvenido Lumbera.
Batay sa kasaysayan, ang ganitong mga bansag ay mga lisensiya sa mga puwersa ng estado upang gipitin, kundi man dahasin, ang sinumang mabansagan nang ganito. Panggigipit nga ang natikman nina Hernandez at Lumbera nang sila'y paratangan nang ganito sa magkaibang bahagi ng ating kasaysayan.
Bukod pa sa lahat nito, ang pagkakadakip sa kapwa namin makatang si Pinpin at ang ganitong mga paratang sa kanya ay isang banta sa kalayaan sa pagpapahayag – isang batayang karapatan ng tao na lubhang sagrado sa aming mga makata at iba pang mga manunulat. Hindi na nasiyahan ang walang-silbing pamahalaang ito sa pagsikil sa kalayaan ng mga mamamahayag at ngayo'y sinimulan na ring salakayin ang hanay ng iba pang mga nasa larangan ng panulat – kagaya ng ginawa ng rehimeng Marcos noong kasagsagan ng Batas Militar.
Sa ginawa ng pamahalaan kay Pinpin at sa kanyang mga kasamahan, lalong lumilitaw na wasto ang nauna na naming pakikiisa sa kampanya upang patalsikin mula sa katungkulan si Arroyo. Hinihimok naming makiisa rin sa kampanyang ito ang mga kapwa namin manunulat at ang mga mamamayan.
Kilometer 64
Mayo 1, 2006
Sampaguita Pictures presents...
ni Axel Pinpin
Ang tula ay umaagapay sa panahon.
Tapos na ang ligawan ng paru-paro
at nektar ng gumamela nitong kasuyo;
ang habulan sa paligid ng malalabay na mangga;
ang pagsungkit sa bituin
o ang paggapi sa dilim.
Ito ay panahon ng mga nag-aalburutong tula.
Likhain nawa ng mga makata
ang linyang aserong nagiging punglo,
ang awit ng ngalit ng pag-ibig sa inutang na dugo,
ang tugma ng digma sa kawalang laya;
at iukit nila sa pamagat -
ang mapupulang titik
ng himagsik.
Tutal, ang mga tulang ngayo'y itinuturing nilang
kriminal,
tiyak...
iaabsweltong lahat ng kasaysayan.
(Unang inilathala ang tulang ito ni Axel Pinpin sa
Southern Tagalog Exposure magasin noong taong 2002.)
Ilitaw sina Axel Pinpin at Igalang ang Kanilang mga Karapatan
Inihahayag namin ang lubos na pagkabahala sa kalagayan ng aming kapwa makatang si Axel Pinpin, na kunsultante rin ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite (Kamagsasaka-Ka); at ng mga kasamahan niyang sina Riel Custodio, Rico Ybañez, Aristides Sarmiento, at Michael Masayes.
Bagama’t hindi kasapi ng aming samahan si Pinpin at nakasama namin siya sa iisa lamang sa aming mga proyekto, kilala namin siya hindi lamang dahil sa kanyang kahusayan bilang makata kundi dahil din sa kanyang mahigpit na panghahawak sa simulain ng paglikha at pagpapamahagi ng panulaang nagsusulong ng tunay na kasarinlan at demokrasya sa ating bansa. Ganito rin ang simulaing pinahahalagahan namin bilang isang samahan ng mga makata.
Sina Pinpin ay dinukot sa Tagaytay City noong gabi ng Abril 28 (at hindi sa Tanauan City noong Abril 29 taliwas sa naunang napaulat), at noong Mayo 1 na lamang ibinunyag ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite na sila’y “inaresto” bilang mga “rebeldeng komunistang” kasangkot sa isang “planong destabilisasyon.” Magpahanggang ngayo’y walang linaw kung saan sila nakakulong.
Nilalabag ng pamahalaan sa ganito ang sarili nitong mga batas. Malinaw na nakasaad sa batas na ang mga akusadong tulad nila’y may karapatang madalaw ng mga abugadong sila ang pumili, ngunit paano sila mabibisita ng sinumang abugado kung ganitong ang kinaroroonan nila’y waring itinuturing na isang sikretong militar?
Bukod pa rito, may higit pa sa sapat na dahilan upang mag-alala kami sa kanilang pisikal na kalagayan. Nang sila’y iharap ng PNP sa midya, kapansin-pansing may benda ang paa ni Sarmiento, paika-ika si Custodio, at si Pinpin ay naghahabol ng hininga na tila galing sa isang matinding atake ng hika. Mga palatandaan itong nagbibigay sa amin ng dahilan upang maghinalang sila’y pinahihirapan ng mga dumukot sa kanila.
Sapagkat malimit na rin lamang namang ipagmalaki ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na siya ang commander-in-chief ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ibabagsak namin sa kanyang pintuan ang anumang masamang maaaring sinapit at sasapitin pa nina Pinpin habang nakapiit.
Na sila raw ay nakunan ng mga subersibong dokumento at mga resibo ng pagbili ng mga sangkap ng pampasabog? Hindi maipaliwanag ng PNP kung paano nila nalamang “nagtataglay” ng mga bagay na ito si Pinpin at ang kanyang mga kasamahan. Dahil dito, hindi malayong ang mga “ebidensiyang” nakuha sa kanila ay itinanim lamang, kagaya ng hindi-miminsan nating nababalitaan sa mga ulat-pulisya.
At kung totoo mang may taglay silang ganitong mga bagay, hindi pa rin ito sapat na dahilan upang sila’y ilayo sa mga abugado at kamag-anak at lalo na’y saktan kagaya ng mukhang siyang nangyari sa kanila.
Itong nangyayari kay Pinpin at sa kanyang mga kasamahan ay isang humahalakhak na panggagahasa sa kalayaan sa pagpapahayag – isang karapatang lubhang sagrado sa aming mga makata at sa iba pang mga mannunulat – gayundin sa kalayaan ng pagsapi. Sa ganitong dinaranas nila ay waring nakikita namin ang nakangising mga bunganga ng Pangulong Arroyo at ng kanyang mga alipures na nagsasabing walang karapatang ituring na tao ang sinumang magsulong ng tunay na kasarinlan at demokrasya – kabanal-banalang simulaing ipinaglaban maging ng hindi iilang makata ng ating bayan kabilang si Amado V. Hernandez, nahirang na Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan noong 1973.
Mga bagay itong nauukol na ipag-alab ng sinumang manunulat at ng sinumang nagpapahalaga sa kanyang pagiging tao.
Kilometer 64
Mayo 4, 2006
Posted at 3:06:49 am by stexposure